CAUAYAN CITY – Alay ni Alvin Barbero, silver medalist sa snooker men’s double competition sa 30th Southeast Asian Games ang kanyang premyo sa kanyang pamilya at pagtulong sa kapatid na sumasailalim sa dialysis dahil sa sakit sa kidney.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Barbero ng San Luis, Cauayan City, sinabi niya na dahil nakuha nila ng kanyang partner na si Jeffrey Roda ang silver medal ay inaasahan na makakatanggap sila ng cash incentives na ipagkakaloob ng pamahalaan sa mga atletang nagwagi ng mga medalya sa SEA Games.
Sa December 17 ay kanilang Christmas party at sa December 18, 2019 ay magtutungo sila sa Malakanyang para sa tatatanggapin nilang cash incentives.
Samantala ilang oportunindad sa larangan ng snooker nang nagbukas sa kanila matapos na magwagi ng silver medal.
Inaayos na ang sasalihan nilang international competition at ilang kaibigan nila ang magbibigay sa kanila ng billiard taco na magmumula pa sa Thailand.
May ilan na rin umano ang interesado na magbigay sa kanila ng sponsorship.
Pinasalamatan niya sina Mayor Bernard Dy at dating Gov. Faustino Dy III na nagbigay ng suporta sa kanya at tulong lalo na noong siya ay nagsisimula sa pagsali sa mga kompetisyon.