
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamahalaang lunsod na mapagkakalooban ng ayuda ang mga magsasakang naapektuhan matapos na isailalim sa State of Calamity ang Cauayan City dahil sa malaking pinsala sa agrikultura ng naranasang malawakang pagbaha dulot ng ilang araw na tuluy-tuloy na pag-ulan.
Sa talaan ng Cauayan City Agriculture Office , tinatayang mahigit 22.8 million pesos ang pinsala sa mga tanim na palay, mais at gulay habang umaabot sa 2,500 na magsasaka ang labis na naapektuhan sa Lunsod ng Cauayan.
Maliban sa agrikultura ay malaking dahilan din sa pagdedeklara ng state of calamity ang pinsala sa imprastraktura tulad ng mga daan at approach ng tulay.
Patuloy ang damage assesment ng Cauayan City Engineering Office kaugnay sa pinsalang iniwan ng nagdaang pagbaha sa mga imprastraktura.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na matapos ang deklarasyon ng state of calamity ay inaasahan na magagamit ang calamity fund sa pagtulong sa mga labis na naapektuhan ng pagbaha gaya ng mga magsasaka na napinsala ang mga pananim na palay at mais.
Maliban sa tulong ng pamahalaang lungsod ay umaasa si Mayor Dy na may karagdagang tulong mula sa pamahalaang pambansa.










