
CAUAYAN CITY – Umabot sa 2,000 family food packs ang ipinadala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 at pamahalaang panlalawigan ng Quirino para sa mga evacuees sa pagputok ng Bulkang Taal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, Information Officer ng DSWD Region 2, sinabi niya na ang bawat food pack na ipinadala nila ay para sa isang pamilya na may limang miyembro at tatagal ng dalawang araw.
Naglalaman ito ng bigas, delata at kape na nakalagay sa karton at nagkakahalaga ng 377 pesos.
Ayon kay Ginoong Trinidad, idiniretso ang mga tulong sa warehouse ng DSWD Region 4-A at ang mga staff na nila ang nagdala sa mga napili nilang evacuation center.
Samantala, bumiyahe kagabi ang mga sasakyan na nagdala ng isang 1,000 family food packs ng pamahalaang panlalawigan para sa mga biktima ng pagputok ng bulkan.
Sinabi ni Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Jun Pagbilao na ang dinala nila sa Batangas ay nagkakahalaga ng 572,000 pesos.

Naglalaman ang bawat family food pack ng apat na kilong bigas at 15 na delata.
May mga kasama rin silang limang miyembro ng rescue team ng Quirino Province.










