CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya ng dating rebelde na napatay ng isang sundalo sa Rang-ayan, City of Ilagan.
Sumuko sa mga kasapi ng City of Ilagan Police Station ang sundalo na nakabaril at nakapatay sa nakainuman na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagbalik loob sa pamahalaan.
Ang biktima ay si Pedro Anog, 27 anyos at residente ng Minanga, San Mariano, Isabela.
Ang sundalong sumuko ay si Jerry Dungliin, nasa tamang edad, nakatalaga sa 5th Infantry Division Philippine Army at taga-lalawigan ng Abra.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na ang biktima at suspek ay nag-iinuman nang magkaroon ng mainitang pagtatalo na naging dahilan ng pamamaril ni Dungliin kay Anog.
Dinala sa ospital si Anog ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician dahil sa malalang sugat sa katawan.
Iginiit umano ni Dungliin na self-defense o ipinagtanggol niya ang sarili kaya nabaril ang dating rebelde.
Ang bangkay ni Anog ay nakaburol na sa Alibadabad, San Mariano, Isabela.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Grace Anog, kapatid ni Pedro na nais niyang mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa kanyang kapatid.
Bago nangyari aniya ang pagbaril at pagpatay sa kanyang kapatid ay nagkausap pa sila sa pamamagitan ng cellphone at nabanggit na nag-iinuman sila kasama ang ilang sundalo.
Hindi niya inasahan na iyon na ang huli nilang pag-uusap.
Sinabihan pa niya ang kapatid na mag-ingat at huwag basta-basta magtiwala.
Ang alam nila ay nagsasanay sa Camp Melchor dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela ang kanyang kapatid matapos na sunduin ang tatlong sundalo dahil kailangan na i-proseso ang ilang doumento.
Noong 2019 aniya ay isinuko nila ang kapatid matapos ag dalawang buwan na pagsanib sa NPA.
Naging panatag ang kalooban niya sa kalagayan ng kanyang kapatid dahil sundalo ang mga kasama ngunit hindi niya akalain na sundalo ang tatapos sa kanyang buhay.
Ayon kay Grace Anog, nais nilang malaman ang tunay na pangyayari dahil naganap ang inuman sa kabila ng umiral na liquor ban dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).










