CAUAYAN CITY – Pinagtibay na ng Sangguniang Panglunsod ng Cauayan ang ordinansang number coding scheme na dati ay isang Executive Order lamang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panglunsod member Edgardo Atienza, sinabi niya na napagpasyahan nila itong ipasa para mabawasan ang mga nagtutungo sa poblacion na sasakyan at nang mabawasan din ang mga tao gayundin na upang masunod ang ipinapatupad na stay at home.
Bukod dito, napagpasyahan din nila itong gawin na ordinansa para mapatawan ng multa ang mga lalabag.
Aniya, sa pagkakapasa ng ordinansang ito ay kasali na ang mga pribadong sasakyan at motorsiklo.
Mabilis aniya itong naipasa dahil sinuspinde na nila ang mga rules sa pagpasa ng isang ordinansa na kailangang dumaan sa tatlong reading.
Gayunman, kapag wala na aniya ang Enhanced Community Quarantine ay mawawala na rin ang ordinansang ito.
Nilinaw naman ni SP member Atienza, na hindi totoong kapag araw ng Sabado at Linggo ay puwedeng magtungo sa poblacion ang lahat ng mga sasakyan.
Aniya, tuwing Sabado ay ang mga nagtatapos lamang sa odd numbers ang maaring bumagtas sa Poblacion at tuwing linggo naman ang mga nagtatapos sa even numbers.
Wala naman aniyang pagbabago ang nakalagay sa Executive Order na ang mga sasakyang nagtatapos ang plaka sa 1 at 2 ay maaaring bumagtas sa poblacion sa araw ng Lunes; ang 3 at 4 ay sa araw ng Martes, 5 at 6 ay Miyerkoles, 7 at 8 ay Huwebes habang 9 at 0 ay araw ng Biyernes.
Ayon kay SP member Atienza, ang unang paglabag para sa mga pribadong sasakyan ay may multang P1,500 habang ang mga motorsiklo ay P1,000, pangalawang paglabag para sa mga pribadong sasakyan ay P3,000 habang sa mga motorsiklo ay P2,000 at sa pangatlong paglabag ay parehong P5,000 ang multa ng mga pribadong sasakyan at motorsiklo.
Aniya, ang ordinansang ito ay para sa buong lunsod ng Cauayan at sa mga ibang bayan.
Ang sponsor ng ordinansang ito ay si SP member Porong Mallillin na chairman ng Committe on Transportation at co-sponsor naman sila ni Sangguniang Panglunsod member Vctor Dy Jr.











