CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Isabela ang mataas na performance ng mga Local Government Units (LGU’s) sa isinagawang pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) at pagsusumite ng liquidation report.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Corazon Toribio, provincial director ng DILG Isabela, sinabi niya na umabot sa 97% ang distribution rate ng Isabela sa emergency subsidy ng pamahalaan sa ilalim ng SAP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nangangahulugan ito aniya na ligtas ang Isabela sa ipinalabas na showcause order ang DILG sa mga local chief executives na mahina ang performance sa pamamahagi ng SAP.
Ayon kay Engr. Toribio, nasa 99% na ang mga LGU ang nakahain ng kanilang liquidation report sa DILG Isabela.
Ilang coastal towns ng isabela ang nagsauli ng pondo dahil sa mataas na target na ibinigay ng DSWD ngunit mababa lang ang bilang ng mga low income at indigent family sa nasabing mga bayan.
Dahil sayang ang pondo ay naghanap ang DSWD ng iba pang mga karapat-dapat na maging benipisyaryo ng ayuda.
Samantala, nagbabala ang DILG Isabela sa mga barangay na hindi pa nagpapaskil ng listahan ng mga SAP benificiaries sa kanilang mga barangay hall.
Hinikayat ni Engr. Toribio ang mga residente sa mga barangay na hindi nagpaskil o agad na nagtanggal ng listahan sa kanilang barangay hall na maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng notice at mapagpaliwanag ang mga opisyal ng barangay.