--Ads--

CAUAYAN CITY – Magpapalabas si Governor Rodito Albano ng Executive Order sa araw ng Lunes, March 29, 2021 para isailalim ang Isabela sa General Community Quarantine (GCQ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Albano na lumabas sa pulong ng mga kasapi ng Provincial Inter-Agency Task Force na puno na ang mga ospital sa Isabela dulot ng pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ayon kay Gov. Albano, pag-uusapan pa nilang mga gobernador kung isasailalim sa GCQ ang buong rehiyon dos dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Ito rin aniya ang hiling ng mga frontliners na pagod na sa pagbaka sa virus lalo na’t maraming pasaway sa pagsunod sa mga health protocols.

--Ads--

Ayon kay Gov. Albano, isang linggo lamang ang itatagal ng GCQ upang mapigilan ang paglabas ang mga mamamayan lalo na sa Semana Santa para mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Magkakaroon muli ng mga checkpoints sa bawat barangay upang mapigilan ang mga mamamayan sa paglabas ng kanilang mga bahay.

Hindi ipapatupad ang liquor ban sa GCQ dahil sinasamantala ito ng mga oportunista upang mas mahal na ibenta ang alak.

Umaasa si Gov. Albano na tatalima rin ang mga religious sector sa ipapatupad na GCQ at tiniyak niya na hindi ito magtatagal.

Tiniyak din ng punong lalawigan na may mga ayudang nakahanda para sa mga mamamayan na maaapektuhan.

Ang bahagi ng pahayag ni Gov. Rodito Albano.

Nauna nang naglabas ng Executive Order No. 11, Series of 2021 ang pamahalaang bayan ng Mallig, Isabela para sa pagpapatupad ng GCQ mula March 24 hanggang April 4, 2021 upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 .