
CAUAYAN CITY – Ipinatupad na ang Project PAGE o Public Affairs for Good Governance in Education ng DepEd Region 2 para mapalakas ang pagbibigay ng impormasyon at magandang komunikasyon tungkol sa edukasyon sa lahat ng kanilang stakeholders.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Amir Aquino, Head ng Public Affairs Unit, tagapagsalita ng DepEd Region 2 at siya ring proponent ng nasabing proyekto, sinabi niya na ito ang kauna-unahang inilunsad na PAU o Propelling Action and Understanding na programa sa buong bansa na tinawag na PROJECT PAGE dito sa Labak ng Cagayan.
Aniya ito ay proyekto ng Public Affairs Unit ng DepEd Region 2 para sa kanilang Public Affairs, Communication and Information o PACI.
Nais ng DepEd Region 2 na maging transparent sa kanilang mga isinasagawang proyekto at aktibidad upang maipabatid sa mga mamamayan ang impormasyong dapat nilang malaman at hindi na nila kailangan pang magtanong.
Ito ay dahil sa pagkakaroon ng problema ng Kagawaran sa maraming tanong ng mga mamamayan ukol sa edukasyon ngayong kasalukuyan ang pandemya.
Inaasahan naman ang pagbisita ng DepEd Region 2 sa media tulad ng Bombo Radyo Cauayan para sa kanilang pagpapakalat ng impormasyon sa mga mamamayan tungkol sa kanilang mga isinasagawang programa.










