--Ads--

Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na pinaigting nito ang monitoring sa farmgate prices ng sibuyas upang masiguro ang makatarungang presyo.

Ayon kay DA-Mimaropa Regional Executive Director Christopher Bañas, nagsimula na ang mga market interventions upang bawasan ang epekto ng posibleng pagbabago sa buying prices ng sibuyas sa Occidental Mindoro, alinsunod sa kautusan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Bagaman nakadepende ang paggalaw ng presyo sa kasalukuyang kondisyon ng merkado, tiniyak ni Bañas na patuloy ang hakbang ng ahensiya upang magbigay ng kinakailangang suporta.

Hindi maaaring magpataw ang DA ng price ceiling para sa farmgate at retail prices ng sibuyas, ngunit kinikilala nito ang alalahanin ng mga magsasaka tungkol sa posibleng pagbaba ng presyo sa peak harvest season.

--Ads--

Ayon kay Bañas, wala pang direktang mandato ang ahensiya na magtakda ng presyo, ngunit ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang magbigay ng tulong at ipatupad ang mga interbensyon na makatutulong sa mga magsasaka.

Kasama sa mga interbensyon ang pamamahagi ng production inputs gaya ng quality seeds, fertilizers, at iba pang suporta sa sakahan. Pinapalakas din ang cold storage facilities upang pahabain ang shelf life ng ani at maiwasan ang hindi makatwirang pagbaba ng farmgate price bago masira ang mga sibuyas.

Tinitiyak din ng ahensiya ang direktang market linkage sa pagitan ng mga magsasaka at institutional buyers upang magkaroon ng matatag na access sa merkado, kasama na rin ang pagbibigay ng technical assistance sa mga lokal na magsasaka para sa onion production at marketing.

Patuloy ding ipapamahagi ang updates sa import policies at umiiral na presyo ng sibuyas sa pamamagitan ng information campaigns upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka laban sa mapagsamantalang traders.

Sa kasalukuyan, ang farmgate prices ng red onions ay nasa P30 hanggang P45 kada kilo sa limang munisipalidad sa Occidental Mindoro.