CAUAYAN CITY – Pangungunahan ng DILG Isabela at ng mga Local Government Operations Office sa lalawigan ang pagtugon sa Safety Seal Certification sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Corazon Toribio ng DILG Isabela, sinabi niya na ito ay bilang tugon sa joint memorandum circular na inilabas ng DOLE, DOH, DILG, DOT at DTI.
Aniya bawat ahensya ay may mga sakop at nag-iissue rin sila ng safety seal.
Ang layunin ng joint memorandum circular ay para matiyak na ang mga pampubliko at pribadong establisimiento ay sumusunod sa mga minimum public health standards na inilatag ng pamahalaan at mabuksan na ang ekonomiya ng bansa na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Aniya boluntaryo ang pagkuha ng safety seal certification ngunit hinihikayat ang lahat na kumuha nito upang panatag ang loob ng mga taong papasok sa kanilang mga establisimiento.
Unang inilunsad ang nasabing programa sa NCR at ang nationwide orientation ay noong ikatatlo ng Hunyo.
Ang isinasagawa ngayon ng DILG Isabela ay information and education campaign sa mga LGUs
Valid ang safety seal sa loob ng anim na buwan at maaaring I-renew isang buwan bago ang expiration nito at kapag hindi naman nakapag comply ang isang establisimiento ay maaari itong marevoke sa pamamagitan ng complaint at muling babalik ang inspection team para magvalidate.
Ayon kay Provicial Director Toribio walang sanction sa mga hindi makakakuha ng safety seal dahil walang nakalagay sa memo ngunit umaasa silang susunod ang lahat dahil para naman ito sa kapakanan ng nakararami.