Kinumpirma ng City Health Office o CHO ang pagkakatala ng HIV/AIDS Death sa lalawigan ng Quirino at Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Cinder Lace Perlado, kawani ng Santiago City HIV/AIDS Primary Treatment Hub sinabi niya na patuloy ang operasyon ng kanilang HIV/AIDS Treatment Hub kung saan isinasagawa ang libreng screening at treatment para sa mga indibidwal na residente ng lunsod o karatig na lugar.
Sa nakaraang Mass Test noong huling linggo ng Mayo ngayong taon, walang naitalang bagong nagpositibo bagamat hinihimok pa rin ang mga taong may agam-agam sa kanilang kasalukuyang estado na personal na makipagugnayan sa kanila para sa libreng pagsusuri.
Batay sa datos, para sa taong 2018 ay nasa labimpitong indibidwal ang nakumpirmang carrier ng nasabing sakit, noong taong 2019 ay nasa dalawamput limang katao at nang pumasok ang taong 2020 ay pumalo na sa tatlumput walo ang nagpositibo sa HIV/AIDS na tinutugunan ngayon ng Lokal na Pamahalaan.
Ngayong taon ay nakapagtala ng HIV/AIDS Death ang tanggapan na nagmula sa Lalawigan ng Quirino at Santiago City.
Nasa labimpitong taong gulang ang pinakabata sa kanilang mga pasyente at animnaput tatlong taong gulang naman ang kanilang pinakamatanda na carrier.
Aniya dumadaan ang mga ito sa pagsusuri at medication bilang primary treatment.
Muli namang nagpaalala si Bb. Perlado sa publiko na mag-ingat at sundin ang mga protocol sa kanilang treatment upang maiwasan na mahawa at makapanghawa.