CAUAYAN CITY – Umabot sa 17 na pamilya o 38 individual ang lumikas mula sa kanilang mga bahay dahil sa naganap kahapon na pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang barangay sa bayan ng Banaue pangunahin sa Poblacion area.
Umabot sa mahigit isang oras na naranasan ang malakas na pag-ulan dakong alas singko kahapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Municipal Accountant Cherry Marie Pallay ng Banaue na tatlo ang naitalang nasugatan ngunit agad na nalapatan ng lunas.
Isang bahay ang ganap na nasira habang may ilan pang nagtamo ng bahagyang pinsala dahil sa nangyaring pagbaha at pagguho ng lupa.
May ilan din sasakyan ang tinangay ng malakas na agos ng tubig sa Poblacion area.
Ayon kay Municipal Accountant Pallay, sa barangay Tam-an at Viewpoint sa Poblacion ay marami ang naapektuhan sa pagbaha.
Hindi pa maadanan ang Banaue-Lagawe road habang light vehicles ang puwedeng dumaan sa Banaue-Bontoc road, Banaue-Hungduan road at Banaue-Mayoyao road.
Ayon kay Municipal Accountant Palay, ang mga nabarahang drainage canal at box culverts ang nakikita nilang sanhi ng pagbaha matapos na bumaba ang tubig mula sa mga kabundukan.