CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtugis ng militar sa mga tumakas na kasapi ng New People’s Army (NPA) na kanilang nakasagupa sa Lenneng, Kabugao, Apayao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) na unang natuklasan ng mga sundalo ang pinagkutaan ng mga rebelde sa Conner, Apayao at pagkatapos ng 15 na araw ay natuklasan ang isa pa nilang kuta sa barangay Lenneng kung saan naganap ang sagupaan.
Kinilala ng pamunuan ng 5th Infantry Division Philippine Army ang dalawang sundalo na nasawi sa pakikipagsagupa sa mga kasapi ng NPA.
Ang mga nasawi ay sina 2Lt Nasser Dimalanes at PFC Jaime Fontanilla Jr., kapwa miyembro ng 98th Infantry Battalion.
Si 2Lt Dimalanes ay 28 anyos, isang Muslim na tubong Datu Odin Sinsuat, Maguindanao at naitalaga sa 98th IB bilang Platoon Leader ng Bravo Company.
Si PFC Fontanilla Jr., 29 anyos at residente ng Luna, La Union ay naging ganap na sundalo noong July 21, 2018 at unang naitalaga sa Headquarters Service Battalion ng 5th ID.
Naitalaga rin siya sa at 54th Infantry Battalion bago naitalaga sa 98th Infantry Battalion.
Ayon kay Army Capt. Pamittan, nasugatan si 2nd Lt Dimalanes dakong alauna ng hapon na naganap ang bakbakan ngunit namatay alas kuwatro ng hapon dahil pahirapan ang pagbaba sa kanila.
May mga bakas ng dugo sa lugar kaya hinihinalang may mga nasugatan o nasawi rin sa panig ng tinatayang 30 na kasapi ng NPA.
Dadalhin sa 5th ID, PA sa Gamu, Isabela ng bangkay ng dalawang sundalo para bigyan ng pagpupugay bago iuwi sa kanilang mga lugar.