CAUAYAN CITY – Nasugatan ang tsuper at helper matapos na sumadsad at mag-overheat ang isang trailer truck sa Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bagabag Police Station, galing sa Bulacan ang trailer truck at patungo sa Sta. Ana, Cagayan nang mawalan ng preno habang binabagtas ang pababang bahagi ng daan sa Villaros, Bagabag.
Sumadsad sa shoulder ng daan ang trailer truck at bumangga ang concrete barrier.
Dahil sa pagkataranta ay agad itong iniwan ng tsuper at helper kahit na nakaandar pa at hinihinalang nag-overheat kaya nasunog ang truck.
Nalapatan naman ng lunas ang sugat ng mga biktima ng mga kawani ng Rescue team ng pamahalaang lokal ng Bagabag.
Patuloy ang pagsisiyasat ng Bagabag Police Station sa naturang pangyayari.