CAUAYAN CITY– Umurong ang lahat ng mga nakatunggali ng bagong Prime Minister na si Rishi Sunak ng United Kingdom dahil maganda ang mga iprinisintang plano para sa kanilang bansa.
Inihayag ni Bombo Interational News Correspondent na si Atty. Girlie Gonito na nagkaroon ng problema sa ekonomiya ng Britanya dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Nagbitiw sa puwesto si Prime Minister Liz Truss matapos aminin na hindi niya kayang lutasin ang lumalalang suliranin sa ekonomiya ng kanilang bansa.
Nagkaroon ng parliamentary debate ang Conservative Party at umurong ang mga unang naghayag ng pagnanais na maging susunod na punong ministro ng United Kingdom.
Sinuportahan nila si Sunak na may lahing Indian ngunit isinilang at nag-araal sa Britanya.
Nagsaya na aniya ang Indian community sa United Kingdom dahil ito ang unang pagkakataon na may dugong Asyano na punong ministro sa nasabing bansa.
Kabilang sa mga plano ni Sunak na bawasan ang pag-utang ng kanilang bansa at bawasan din ang pondo ng mga pulitiko.
Hinikayat din niya ang mga kapwa pulitiko na magkaisa at magtulungan para muling pasiglahin ang ekonomiya ng kanilang bansa.
Muling tumaas ang UK pounds matapos na bumaba noong nagkagulo ang mga political party dahil sa pagbibitiw sa puwesto ni Liz Truss.
Natutuwa rin ang mga Pilipino sa naturang bansa sa pagkatalaga ni Sunak nilang bagong ministro.