CAUAYAN CITY – Dalawang lungsod at pitong bayan sa Isabela ang nagdeklara ng special non-working day kaugnay ng paggunita ng araw ng mga patay at para magkaroon ng pagkakataon na linisin ang mga bahay at paaralan na nabaha dulot ng bagyong Paeng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Kris dela Cruz, Disaster Risk Reduction and anagement (DRRM) Coordinator ng Department of Education (DepEd) Isabela, sinabi niya na ang mga nagsuspindi ng klase ay pamahalaang lokal ng mga bayan ng Tumauini, Cabagan, Sto. Tomas, Sta. Maria, Aurora, Angadanan at Echague.
Patuloy ang pag-iikot ng mga education facilities personnel ng DepEd para alamin ang sitwasyon ng mga nabahang paaralan.
Umabot na sa 85 paaralan sa Isabela ang apektado ng naganap na pagbaha.
Sinabi ni Ginoong Dela Cruz na sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga school heads ng mga paaralan na naapektuhan ng pagbaha ay bumaba na ang tubig at gagawin ngayong araw ang paglilinis sa mga silid aralan na nalubog sa tubig-baha.
Umaasa sila na matatapos ngayong araw ang paglilinis sa mga apektadong paaralan para makapasok na bukas ang mga guro at mag-aaral.
Hiniling ni Ginoong Dela Cruz sa mga school heads na magsumite na ng kanilang Rapid Assessment of Damage Report (RAPD) na kailangan para mabigyan ng ayuda ang mga paaralan na naapektuhan ng bagyong Paeng.