--Ads--

Umabot sa halos labing apat na milyong piso ang halaga ng nasunog sa storage house ng Isabela Leaf Tobacco Company Inc. sa Brgy. District 1 noong gabi ng Sabado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Senior Fire Officer 1 Maricar Castillo, Chief ng Operation Section ng Cauayan City Fire Station na posibleng nagsimula ang sunog sa upos ng sigarilyo ngunit ayon umano sa may-ari ay imposible ito dahil bawal manigarilyo sa loob ng kanilang storage house.

Isa din sa sinasabing posibleng dahilan ay may naiwang nagbabagang maliit na bagay sa kanilang basurahan na ginagamit tuwing sila ay nagsusunog.

Umabot naman sa third alarm ang sunog at kinailangan ng labing apat na fire truck mula sa iba’t ibang bayan bago ito tuluyang naapula.

--Ads--

Nagsimula ang sunog dakong singko y media ng hapon noong Sabado at idineklarang fire out ng alas dose y media ng hantinggabi.

Naging pahirapan umano ang pag-apula sa sunog dahil sa makapal na usok na nagmula sa nasusunog na tabako.

Kumpleto naman umano sa Fire Safety Inspection Certificate ang storage house at mayroon din silang sariling fire truck subalit mabilis umano ang naging pagkalat ng apoy kaya hindi na ito naagapan.

Sa talaan ng BFP Cauayan City, ito na ang ikalawang beses na nagkaroon ng sunog sa storage house.

Wala namang naitalang nasugatan sa pangyayari.