--Ads--

REGION 2 – Ipinasisiyasat na ng Kagawaran ng Pagsasaka o DA region 2 ang naganap na bentahan ng 5 kilo grams packaging ng hybrid rice seeds na hinihinalang mula sa ibang rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na ipinasisiyasat  na niya ang mga natanggap na impormasiyon sa ibinebenta sa ilang agricultural supply mula sa anim na  bayan sa ikalawang rehiyon na nagkakahalaga ng mahigit tatlong libong piso.

Paliwanag niya na ang mga hybrid seeds na ipinamamahagi ng ahensiya sa lambak ng Cagayan ay 15 kilograms packaging subalit batay sa mga ipinadalang larawan ng mga concerned citizen ay nakita na ang hybrid seeds na ibinebenta sa ikalawang rehiyon ay 5 kilograms packaging at nagmula sa tarlac batay sa nakalagay na bar code sa packaging nito.

Nilalagyan ito ng sticker upang matakpan ang orihinal na bar code at sa ngayon ay inaalam na nila  kung paanong nakapasok at naibenta sa mga agri supply sa Region 2 ang naturang mga binhi.

--Ads--

Ayon kay Regional Director Edillo, sumulat na rin siya sa National Bureau of Investigation, CIDG at sa mga Local Chief Executives upang aksiyunan ang nagaganap na bentahan ng mga hybrid seeds na posibleng makaapekto sa programa ng DA region 2.

Inalarma na rin ang mga checkpoints upang masuri ang lahat ng mga agricultural products kabilang ang mga binhi na papasok sa rehiyon,.

Nakatakda ring magsagawa ang DA ng random checking sa lahat ng mga agricultual supply para sa validation upang mabawi at hindi na maibenta  ang lahat ng mga  naka stock o nakatagong hybrid seeds.

Itatakda rin ng DA region 2 ang  meeting ng mga municipal agriculture office sa susunod na linggo para talakayin ang mga hakbang upang mapigilan ang  pagbebenta ng mga tampered hybrid seeds.

Panawagan  ng DA region 2  sa mga magsasaka na makipagtulungan at ipabatid sa kanilang tanggapan maging sa mga local chief executives kung saang agricultural  supply nila nabili ang mga tampered hybrid rice seeds para agad na matugunan.