CAUAYAN CITY – Naaresto sa lalawigan ng Kalinga ang tatlo pang akusado na sinampahan ng kaso kaugnay ng pagbaril at pagpatay noong June 23, 2021 kay Atty. Victor Begtang Jr., deputy fiscal ng City of Ilagan Prosecutor’s Office.
Si Fiscal Begtang ay binaril ng riding-in-tandem suspek malapit sa kanyang bahay sa Malama, Conner, Apayao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng PSMS Isabelo Pigar, information officer ng Apayao Police Provincial Office na unang sumuko si dating Mayor Leonardo Dangoy ng Conner noong November 16, 2022 matapos malaman na naglabas ng mandamiento de aresto laban sa kanya ang Luna Regional Trial Court (RTC) Branch 26.
Sumuko si Dangoy kay PCol. Jefferson Cariaga, provincial director ng Apayao Police Provincial Office kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Melchor Balawas.
Ang tatlong kasamang akusado ni Dangoy na nahuli at nasa kustodiya ng Kalinga Police Provincial Office ay sina Arison Delgado, Jocel Sacaili at Glen Macsagan, pawang residente ng lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay PSMS Pigar, kasalukuyang nasa kustodiya ng Luna Police Station si dating Mayor Dangoy at ipapasakamay siya sa Lunes sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kapag nakapagpalabas ng commitment order ang hukuman.