CAUAYAN CITY – Pahirapan ngayon ang isinasagawang air and ground search and rescue operation sa nawawalang Cessna 206 na mayroong anim na sakay kabilang ang piloto.
Inihayag ni Atty. Constante Foronda, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Isabela na nakatuon ang kanilang paghahanap sa Divilacan, Isabela na natukoy na posibleng lokasyon ng Cessna 206 dahil sa pag-ring ng cellphone ng isa sa mga pasaherong tinawagan.
Gumagamit na rin sila ng drone na may kamera upang makakuha ng impormasyon sa mga lugar na posibleng kinaroroonan ng eroplano.
Aniya, malalakas ang ulan sa nabanggit na lugar at malakas din ang agos ng tubig sa mga ilog na nagpapahirap sa mga nagsasagawa ng ground search and rescue operation.
Nakikipagtulungan na rin ang mga residente na nakakaalam sa nasabing lugar.
Tiniyak niya na hindi sila titigil hanggat hindi natatagpuan ang Cessna 206 at mga lulan nito.
Samantala, binigyang diin ni Atty. Foronda na ang pinagtutuunan nila ngayon ng pansin ay ang paghahanap o search and rescue operation sa nawawalang eroplano at hindi sila ang nagbibigay ng update sa pamilya ng mga sakay ng cessna 206.
Aniya, hindi sila ang magbibigay ng update sa pamilya ng mga sakay ng Cessna plane dahil mayroong gagawa nito.
Tiniyak niya sa mga kamag-anak ng mga sakay ng Cessna na ang lahat ng kanilang resources ay nakatuon sa search and rescue operation at gagawin nila ang lahat ng makakaya upang matagpuan ang eroplano.
Ginawa ni Atty. Foronda ang paliwanag matapos maghinanakit ang ilang kamag-anak ng mga pasahero ng eroplano na hindi man lamang makakuha ng update sa ginagawang rescue and serach operation.
Samantala, ipagpapatuloy ngayong araw ang paghahanap sa nawawalang eroplano.
Ito ay matapos lumipad kahapon ang dalawang helicopter ng Philippine Airforce upang halughugin ang sinasabing lugar na posibleng kinaroroonan ng eroplano.
Isinagawa rin ang aerial search sa mga lugar na sinasabi ng mga residente na napakinggan ang pagsabog ngunit wala pang nakita ang mga naghahanap sa himpapawid at sa lupa.
Humingi na rin ng tulong ang pamahalaan sa mga katutubong Agta sa bayan ng Divilacan upang mapabilis ang paghahanap sa nawawalang eroplano.
Samantala, nakikipagtulungan na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa isinasagawang search and rescue operation sa nawawalang Cessna plane.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Governor Rodito Albano na nakikipagtulungan na sila sa pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army.
Nakikapag-ugnayan na rin si Atty. Foronda sa Philippine Airforce kaugnay sa isinasagawang search and rescue operation.
Sinabi pa ni Governor Albano na may mga ground personnel na naghahanap na sa mga lugar na posibleng kinaroroonan ng Cessna 206.
Umaasa naman siya na buhay pa ang sakay ng mga eroplano.
Humihingi naman siya ng pang-unawa sa mga pamilya ng mga pasahero at kapag mayroon nang update ay kaagad na ipagbigay alam sa kanila.
Home Local News
Air at Ground Search and Rescue Operation sa nawawalang Cessna 206 plane pahirapan dahil sa mga pag-ulan
--Ads--