CAUAYAN CITY – Dumulog ang apat na barangay kapitan sa Sangguniang Panglunsod dahil sa hindi umano patas na pagbibigay ng ayuda ng City Agriculture Office.
Ang mga dumulog ay kinabibilangan nina Brgy. kapitan Joey Collado ng Brgy. Faustino, Barangay Kapitan Bolivar Salvador ng Brgy. San Antonio, Barangay Kapitan Renato Aquino ng Brgy. Naganacan at Barangay Kapitan Eddie Duad ng Brgy. Ammobocan.
Inireklamo ng mga barangay kapitan ang mga sumbong at reklamo ng kanilang mga kabaranggay na hindi umano patas na pagbibigay ng ayuda ng City Agriculture Office tulad ng pagbibigay ng financial assistance, binhi at abono.
Tinanong ni Sangguniang Panglunsod member Atty. Paul Mauricio sa ginanap na Committee Hearing si City Agriculturist Eng’r. Ricardo Alonzo kung bakit ang daming reklamo tungkol sa mga benepisaryo ng mga programa ng Department of Agriculture.
Ang tumatanggap anya ay ang palagi nang binibigyan at may mga baranggay na ang daming benificiaries habang may mga baranggay din na kakaunti.
Sinagot naman ito ni Engr. Alonzo at sinabing walang kinalaman ang City Agriculture Office sa mga listahan ng mga nakakatanggap ng ayuda dahil ito ay System Generated at ito ay ibinababa ng Department of Agriculture Central Office sa Regional Offices tulad ng D.A. Region 2, at ang DA Region 2 naman ang nagbababa ng listahan sa mga City Agriculture Offices at Municipal Agriculture Offices sa rehiyon.
Samantala, inihayag ni Brgy. Kapitan Eddie Duad ng barangay Ammobocan na mas naging malinaw ang sitwasyon dahil sa pagpapaliwanag ni Engr. Alonzo.
Sa huli, nagpasya ang komite na ipatawag at pagpaliwanagin ang mga opisyal ng Department of agricuture region 2 upang masagot ang mga katanungan ng mga kasapi ng sangguniang panglunsod ng Cauayan.