--Ads--

CITY OF ILAGAN – Nilahukan kahapon ng libu-libong atleta mula sa Northern at Southern Luzon ang opening ceremony ng Luzon Philippine Little League Baseball Series 2023 na magtatagal hanggang ikalabindalawa ngayong Pebrero.

Ang parada na pinangunahan ng mga opisyal ng pamahalaang Lunsod ng Ilagan, Little League Baseball officials, officiating officials at mga atleta ay nagsimula sa City Hall patungong Ilagan Sports Complex.

Ang mga manlalaro ay mula sa pitumput isang team na kinabibilangan ng mga Lunsod ng Cauayan, Ilagan, Tabuk, Baguio, Quezon, Agoncillo, Antipolo, Dasmarinias, General Trias, Lipa, Tanauan, Pasig, Marikina, Taguig,  Smokey Mountain at mga  lalawigan ng Kalinga, Mt. Province,  Smokey Mountain,  Bulacan, Ilocos Norte, Zambales, Nueva Ecija West, Nueva Ecija East  at iba pa.

Inihayag ni Ginoong Michael Zialcita, District Administrator ng Little League Philippines  na  namangha sila sa pagiging host ng Lunsod ng Ilagan.

--Ads--

Malaki ang kanilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa mga delegado ng mga opisyal ng pamahalaang Lunsod ng Ilagan sa pangunguna ni Mayor Jose Marie Diaz.

Anya sabik na ang lahat ng mga atletang makapaglaro muli matapos ang dalawang taong hindi nakapaglaro dahil sa pandemya.

Sinabi pa niya na ang mananalo sa Luzon Philippine Little League Baseball Series 2023 ay magiging kalahok sa gaganaping Final Series sa ikadalawampu’t dalawa ng Abril, 2023  na gaganapin din sa Lunsod ng ilagan.

Ang mananalo sa Final Series ay  lalahok sa Asia Pacific Regional at sinumang mananalo rito ay uusad sa World Series.

Ipinagmalaki rin ni Zialcita na 144 ng mga softball players ng University Athletic Association of the Philippines o U.A.A.P ay galing a Little League at dalawampu’t limang players ng Softball National Team ay galing din sa Little League.

Palatandaan anya ito na maganda ang tinatahak ng ma isinasagawang Little League Baseball Series.

Nagtapos naman ang opening ceremony sa Fireworks display sa City of Ilagan Sports Complex.

Magsisimula ang mga laro ngayong umaga at may apat na venue kung saan  gaganapin ang mga palaro.

Kinabibilangan ito ng City of Ilagan Sports , Isabela Sports Complex, Alibagu Baseball Park, at Lullutan Baseball Park .

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Information Officer Paul Bacungan na halos dalawang libong delegado ang kalahok sa palaro at  binigyan ng mandato ng Pamahalaang Lunsod ang City Traffic Management Group  na pangunahan ang pagsasaayos sa daloy ng trapiko.

Pinaghandaan din nila ang posibleng dami ng mga bibisita sa Lunsod para makiisa at manood sa baseball series at may mga naitalaga na ring parking areas.