--Ads--

CAGAYAN – Hindi pabor si Governor Manuel Mamba sa pagtatayo ng bagong Enchanced Defense Cooperation Agreement Camp o EDCA Site sa Lalawigan.

Ito ay matapos na ihayag ng Department of National Defense na isa ang Cagayan sa mga napipiling lugar na paglalagyan o pagtatayuan ng karagdagang EDCA sites ng US forces sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Mamba sinabi niya na sapat na para sa kanya ang presensiya ng militar sa kanyang nasasakupan at hindi na kailangan na dagdagan pa ng foreign forces.

Isa sa pangunahing dahilan niya sa hindi pagsang-ayon sa pagtatayo ng EDCA site ay ang banta ng nuclear bomb attack sa lalawigan sakaling magtayo ng kampo ang nuclear Capable country gaya ng Estados Unidos.

--Ads--

Naniniwala siya na hindi kalaban o banta ang China dahil sa naiambag nito sa pagnenegosyo sa bansa hindi tulad ng ibang mga bansang tinangkang sakupin ang Pilipinas noon.

Inalmahan din ni Governor Mamba ang naging pahayag ng Department of National Defense na layunin ng pagtatayo ng EDCA sites ay para sa rapid support for humanitarian in climate related disasters dahil ilang ulit na umanong binayo ng super typhoon ang Lalawigan subalit wala siyang nakitang US forces na tumulong.

Aniya insulto para sa kanya ang tila pagtrato ng Estados Unidos sa Lalawigan bilang pulubi sa kasagsagan ng sakuna at pandemya.

Umaasa si Governor Mamba na igagalang ng DND ang kanyang desisyon dahil naniniwala siya na magiging banta para sa kanya at sa kanyang nasasakupan ang paggamit ng conventional warfare.