--Ads--

Nasawi ang tsuper ng motorsiklo matapos bumangga sa isang Mixer truck sa Barangay Manaring.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Lord Wilson Adorio, Officer-In-Charge ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na ang nasawi ay  si Jayrald Guzman, tatlumpu’t limang taong gulang at residente ng Cutug Grande, Reina Mercedes, Isabela habang ang Mixer Truck ay minaneho ni Ramel Ibayat, limampu’t isang taong gulang, at residente ng San Isidro, Lunsod ng  Ilagan.

Batay sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, binabagtas ng motorsiklo ang daan patungo sa timog na direksyon habang ang mixer truck naman ay nasa nakasalungat na direksyon.

Nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay bigla umanong umagaw ng linya ang motorsiklo na dahilan upang mabangga ito ng mixer truck.  

--Ads--

Dahil sa lakas ng banggan ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima at  nawasak ang minamaneho nitong motorsiklo.

Nagawa pang isugod sa pagamutan ng mga miyembro ng Rescue 1124 ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician dahil sa malubhang sugat sa katawan habang   hindi nasugatan ang tsuper ng mixer truck.

Samantala, humingi ng tulong para sa naulilang dalawang anak ang maybahay ng biktima.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Maria Rebecca Guzman, sinabi niya na lumiban sa trabaho ang kanyang mister upang kunin ang kanyang NBI clearance sa Lunsod ng Ilagan kasama ang kanyang pinsan.

Inihatid ng kanyang mister ang pinsan nito sa Tumauini, Isabela at pauwi na  nang maganap ang aksidente.

Naulila nito ang dalawa nilang anak na edad walo at isa.

Emosyonal din niyang ihayag na may sakit pa sa puso ang kanilang bunso. May butas sa puso ang kanilang anak at kailangan nito ng maintenance maging ang buwanang checkup.

Humihingi  ng tulong si Ginang Guzman para sa kanyang mga anak dahil hindi niya kayang buhayin ang mga ito ngayon na wala na ang kanyang asawa.