--Ads--

CAUAYAN CITY – Naniniwala pa rin ang Incident Management Team na nasa loob ng nawawalang cessna 206 ang Cellphone ng isa sa mga pasaherong natawagan ilang oras matapos mawala ang eroplano noong ikadalawampu’t apat ng Enero.

Sa isinagawang Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran o UP-UP CAGAYAN VALLEY kahapon ng Tactical Operations Group 2 o TOG2, Philippine Air Force ay inihayag ni Atty. Constante Foronda, commander ng Incident Management team at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Isabela na tiwala silang hindi nalaglag mula sa eroplano ang cellphone ng isa sa mga pasaherong kanilang natawagan ilang oras matapos mawala o hinihinalang bumagsak ang Cessna 206.

Paliwanag niya na maliit ang tiyansang nalaglag ito dahil kadalasang sarado ang bintana ng Cessna kapag nasa himpapawid at ang may-ari ng Cellphone na kanilang natawagan ay nakaupo sa likurang bahagi ng eroplano.

Dahil dito ay nais nilang tutukan ang mga lugar sa loob ng 20-kilometer radius na may signal dahil hindi naman umano matatawagan ang cellphone ng isa sa mga pasahero kung walang signal sa lugar kung saan hinihinalang posibleng bumagsak o nag-emergency landing ang nawawalang cessna.

--Ads--

Matatandaang una nang napaulat na nalanghap ng apat mula sa anim na scent tracking dogs ang amoy ng isa sa mga batang lulan ng nawawalang cessna sa isang bangin na may lalim na mahigit limang daang metro.

Sinubukan ng rescuers na bumaba sa bangin subalit hindi nila kinaya dahil sa masyado na itong malalim kaya humingi sila ng tulong sa mga lokal na residente upang humanap ng alternatibong ruta pababa ng bangin.

Makalipas ang ilang araw ay nawala na umano ang sinusundang amoy ng mga tracking dogs kaya posibleng natangay lamang ng hangin ang amoy na sinundan ng mga aso.

Samantala, patuloy ang search and Rescue operation para sa nawawalang Cessna 206.

Inihayag ni Col. Sadiri Tabutol, group commander ng TOG2 na dalawang air Assets ng Philippine Air force ang naka-standby para sa aerial search and rescue operation at sa kabuuan ay nasa mahigit limampung oras nang lumipad ang kanilang unit para mahanap ang nawawalang eroplano.

Partikular sa kanilang mga pinuntahang o sinuyod na lokasiyon ay nasa loob ng 20 kilometer radius kung saan mayroong cellphone signal.

Maliban sa Air assets na nagsasagawa ng Aerial Inspection ay tuloy tuloy ang ground search ng 95th Infantry Battalion na may limampung responders, katuwang ang nasa limampu’t pitong personnel ng Isabela Provincial  Mobile Froce Company, apatnapu’t walong Special Action Force Personnel mula sa Cordillera, Local Disaster Risk Reduction and Management Office Divilacan na may apatnapu’t walong responders, mga Dumagat, at volunteers.

Aniya ang naturang mga team ay naipakalat sa ibat ibang search area sa loob ng 20-kilometer radius upang mas mapabilis pa ang paghahanap sa nawawalang cessna at sa mga pasahero nito.

Aasahan din ang pagdating pa ng karagdagang K9 units na makakasama ng mga tracking Dogs.