CAUAYAN CITY – Naniniwala si Punong Lalawigan Manuel Mamba ng Cagayan na malaking tao ang nasa likod ng pananambang at pagpatay kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pa sa Baretbet Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Lalawigan Manuel Mamba ng Cagayan na kailangang ang Police Regional Office 2 ng malalimang pagsisiyasat at hindi lamang puro galing ang mga impormasyon sa pamilya ng mga biktima.
Maituturing na maimpluwensiya at malaking tao ang gumawa ng krimen dahil sa istilo ng pagpatay na sa araw pa isinagawa at pagsunog sa mga getaway vehicle ng mga pinaghihinalaan.
Nag-checkpoint ang mga pinaghihinalaan sa araw at inabangan ang mga biktima.
Kailangan din anyang mabigyan ng proteksiyon ang sinumang testigo dahil iniisip din nila ang kanilang kaligtasan.
Nanawagan siya sa pamunuan ng Police Regional Office 2 na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat sa pangunguna ni Regional Director PRO 2 PBrig. General Percival Rumbaoa upang mabigyan ng katarungan ang pagpatay sa Vice Mayor at limang iba pa.