--Ads--

CAUAYAN CITY – Walang inaasahang transport strike sa Lambak ng Cagayan sa kabila ng ikinakasang tigil pasada sa Metro Manila dahil sa usapin ng jeepney modernization program.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Manny Baricaua ng Land Transportation Office o LTO Region 2  sinabi niya na sa ngayon ay may ilang mga namamasadang tsuper ng Jeepney at operators ang hindi lalahok sa ikinakasang malawakang tigil pasada ng ilang jeepney driver and operator sa kalakhang maynila.

Aniya madalas na kapag may transport strike ay nagkakaroon ng koordinasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB at LTO subalit sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na abiso.

Sa kasalukuyan ay nasa 80-90 percent ng mga driver operators sa lalawigan ang nakasali na sa kooperatiba at mayorya na rin sa kanila ang may mga modernized jeepney habang iilan na lamang ang bilang ng mga traditional jeep.

--Ads--

Dagdag pa niya na nakakasunod naman ang mga operator sa ikalawang rehiyon dahil mas madalas nang makita sa kalsada ang mga modernong transport unit.

Una na rin umanong nilinaw ng Department of Transportation o DOTr ang usapin ng jeepney phase-out dahil maraming stages ang dadaanan nito at sampung bahagdan na lamang ng mga operators at driver’s ang patuloy na tumututol sa naturang usapin.

Samantala, muling nagpaalala ang LTO region 2 sa mga colorum na sasakyan na madalas na kumuha ng pasahero sa pamamagitan ng pag popost sa social media.

Paalala niya sa mga mananakay na huwag ng tangkilikin ang mga colorum na sasakyan bilang pakikiisa na rin sa matagal na nilang kampaniya laban sa mga colorum na sasakyan.

Maliban sa kampaniya laban sa colorum ay tuoy tuloy din ang kampaniya ng LTO sa mga menor de edad na nagmamaneho nang walang kaukulang dokumento.

Hiling niya sa mga magulang at eskwelahan na suportahan ang kanilang mga programa partikular na ang mga estudyanteng nagmamaneho kahit walang lisensya.

Aniya kailangan na maging mahigpit ang eskwelahan sa pagpapataw ng parusa sa mga estudyante na papasok ng nakamotorsiklo subalit hindi naman lisensyado.