CAUAYAN CITY – Dinaig ni Filipino-Spanish hurdler John Cabang Tolentino ng Team Real Sociedad ang world record holder at gold medalist sa Southeast Asian Games na si Clinton Kingsley Bautista ng Philippine Navy sa 110-meter hurdles Men’s Open sa ginaganap na Philippine Athletics Championships sa City of Ilagan Sports Complex.
Natapos ni Tolentino ang laban sa 14.35 seconds habang si Bautista na nakakuha ng silver medal ay 14.40 seconds.
Magugunitang naitala ni Bautista ang record para sa 110-meter hurdles Men’s sa nakalipas na Southeast Asian Games sa oras na 13.78 seconds.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Tolentino na maraming beses siyang tinalo ni Bautista kung saan halos kalahating metro ang kalamangan.
Sinabi niya na mayroon din siyang advantage dahil kalalabas lamang ni Bautista sa kanyang military training samantalang patuloy ang kanyang pag-eensayo.
Umaasa siyang magtuloy-tuloy ang kanyang panalo hanggang sa susunod na mga torneo.
Si John Cabang Tolentino ay naging pambato ng Pilipinas sa Asian-inter-Championships na ginanap sa kazakhstan.
Nakuha naman ng Pambato ng Malaysia na si Sharim Abdul Rahim ang bronze medal.
Samantala sa 100 meters hurdles sa women open category, ay nakuha ni Huyn Thi My Tien ng Vietnam ang gold medal, si Lauren Hoffman ng San Jose Track Club ang nakakuha ng silver habang si Bui Thi Nguyen ng Vietnam ang bronze medal.
Ang nanalo naman para sa 110-meter hurdles under 20 category ay nakuha ni Harvey Villasan ang gold medal, si King Ruel Gamboa sa silver at si Jaymar Guinitaran sa bronze.
Sa under 18 naman ay nagwagi si Dexter James Angayangay, na sinundan naman ni Clyde Benito at Edbrent Zinampan.