CAUAYAN CITY – Binigyan ng karangalan ng pinakabatang manlalaro ng Bohol, ang kanyang lalawigan matapos niyang makamit ang gintong medalya sa 400-meter run girls under 18 category na kauna-unahang medalya ng Bohol sa Philippine Athletics Championships na ginaganap sa City of Ilagan Sports Complex.
Ang nanalo ay si Maria Emely Balunan, labing apat na taong gulang, junior high school student at mula sa lalawigan ng Bohol.
Tinapos ni Balunan ang 400 meter run sa loob lamang ng 1.01.33 seconds upang makamit ang unang puwesto.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Balunan, sinabi niyang ang matinding pag-eensayo ang kanyang naging susi upang mabigyan ng karangalan ang kanyang lalawigan.
Aniya naging inspirasyon niya ang kanyang pamilya sa pagtakbo na siya umanong nagbigay lakas sa kanya.
Bumagsak din ang manlalaro sa finish line na dala umano ng matinding pagod at dahil na rin sa init at layo ng kanyang itinakbo.
Samantala, nakamit din ng kanyang kasamahan na si Juvelle Alexa Matnog ang bronze medal habang ang silver medal naman ay nasungkit ni Catriona Vasquez, manlalaro mula sa lalawigan ng Leyte.