--Ads--

CAUAYAN CITY – Mabibigyan ng cash incentives ang mga atletang nag-uwi ng medalya sa nakaraang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2023 na ginanap sa Lunsod ng Ilagan.

Ang Schools Division Office ng Santiago City ay tinanghal na third  runner up  sa CAVRAA Meet 2023 sa napanalunang 65 golds, 60 silver at 59 bronze o kabuuang 184 medals.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Jonathan Fronda, Assistant Schools Division Superintendent ng SDO Santiago City na labis ang kanilang kasiyahan dahil ngayon lamang pumasok sa ikatlong pwesto ang SDO Santiago City sa CAVRAA dahil sa mga nakalipas na panrehiyong palaro ay nagtatapos sila sa Top 7 o Top 8.

Magbibigay ang pamahalaang Lunsod ng Santiago ng cash incentives sa mga atletang nakakuha ng gintong medalya na P30,000, P20,000 sa silver medal at P10,000 sa bronze medal.

--Ads--

Ito ay bukod pa sa karagdagang ibibigay ni Cong. Joseph Tan na P10,000 sa nakakuha ng gold medal, P5,000 sa silver medal at P3,000 sa bronze medal.

Sinabi pa ni Dr. Fronda na ginawang varsity ang bawat team at sino mang mananalo ay siya ang kakatawan sa Lunsod ng Santiago sa CAVRAA 2023.

Naging pantay ang ginawa nilang pagpili sa kanilang mga atletang ipinadala sa CAVRAA 2023 at puspusan din ang monitoring ng DepEd Santiago city sa  inhouse trainings ng mga atleta habang tinutukan din sila sa kanilang pakikipagpaligsahan sa Lunsod ng Ilagan.

Malaking motivation din sa mga atleta ang insentibo na ipagkakaloob ng pamahalaang Lunsod sa mga mag-uuwi ng mga medalya.

Tinig ni Dr. Jonathan Fronda.