CAUAYAN CITY – Mayroon nang natukoy ang Roxas Police Station na suspek sa pagpatay sa isang magsasaka na natagpuang naaagnas na ang bangkay sa inuupahan silid sa barangay Nuesa, Roxas, isabela noong Mayo 6, 2023.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Ardee Tion, hepe ng Roxas Police Station na umabas sa post mortem examination ng Rural Health Unit (RHU) sa bangkay ng magsasakang si Johnny Galingana na nagtamo siya ng 9 na saksak sa katawan.
Ayon kay Maj Tion, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na kakilala ng biktima ang suspek ngunit hindi pa nila puwedeng ihayag ang pangalan para hindi maapektuhan ang kanilang pagsisiyasat.
Nangangalap pa sila ng mga testigo at hinihintay ang sinumpaang pahayag ng pamilya ni Galingana para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek sa loob ng linggong ito.
Dalawang motibo ang nakikita nilang dahilan ng pagpatay sa biktima.
Nagpapasalamat si PMaj Tion sa mga testigo na kusang nakipagtulungan para matukoy ang suspek.