--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan sa kanyang mga kamag-anak, kakilala at kaibigan si Ginang Yemen Echave isang guro sa lunsod na huwag maniwala na humihiram siya ng pera gamit ang kanyang social media account dahil ito ay na-hack.

Sa naging eksclusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Echave na may nag-chat sa kanya na kanyang kamag-anak at hinihingi ang kanyang G-Cash Number dahil babalatuhan siya nito ng kanyang napanalunan sa facebook.

Dahil lagi naman anyang nagbibigay ng balato ang kanyang kamag-anak ay ibinigay niya ang kanyang G-Cash Number.

Matapos nito ay laking gulat na lamang niya dahil may mga nagchat at nagtungo mismo sa kanilang paaralan upang ibigay ang umanoy inuutang niyang pera na ang ginamit sa pangungutang ay ang kanyang social media account.

--Ads--

Dito na siya naalarma at natuklasang na-hack ang kanyang account at hindi na mabuksan maging ang kanyang messenger.

Agad din niyang inalarma sa pamamagitan ng social media ang mga kapwa guro, mga kamag-anak at mga kaibigan na huwag magpadala ng pera dahil hindi siya nangungutang.

Napasok din ng mga pinaghihinalaan ang kanilang group chat sa kanilang paaralan at sa mga parents at natuklasang inutangan din ang kanilang PTA president.

Nagtungo anya sa paaralan ang kanilang PTA President upang ibigay sa kanya ang inuutang na kanyang ikinagulat.

Mabuti na lang at personal siyang pinuntahan ng kanilang PTA President at maging ng mga kamag-anak at hindi nagpadala ng pera sa G-cash.

Ngunit mayroon siyang kasamahang guro na nabiktima at nakapagpadala ng walong daang piso sa G-cash ng pinaghihinalaan.

Ipina-blotter na nila ito sa Cauayan City Police Station at pinayuhan siyang makipag-ugnayan sa PNP Cybercrime Unit.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Rovelita Aglipay, Asst. Chief ng PNP Cybercrime Unit 2 kanyang pinaalalahanan ang mga gumagamit ng social media na mag-ingat sa mga binubuksang mensahe na may phishing link at maaring maging sanhi para ma-hack ang kanilang account.

Mainam anya at naging maagap ang mga kaibigan ni Ginang Echave at nakipag-ugnayan ng personal mismo sa kanya kaya natuklasang na-hacked ang kanyang account.

Pinayuhan ni PLt. Col. Aglipay si Ginang Echave na maghain ng affidavit of denial sa PNP Cybercrime Unit 2 na nagpapatunay na hindi na siya ang may-ari ng kanyang account na na-hack.

Kapag registered ang G-cash Number na pinapadalhan at sa kooperasyon ng mga biktima o nagpadala ng pera ay maaring matukoy at mapanagot ang mga pinaghihinalaan.

Kinumpirma rin ni Lt. Col. Aglipay na nakakatanggap sila ng reklamo sa kada araw kaugnay ng pang-i-scam gamit ang social media.