CAUAYAN CITY – Ipinapatupad na ng Philhealth at ng Department of Health ang bagong batas na siyang makakatulong sa lahat ng Pilipino, ito ay ang Republic Act 11223 o ang Universal Health Care Law.
Sa naging panayam ng BOMBO RADYO CAUAYAN kay Ginoong Joseph Reyes ang LOCAL HEALTH INSURANCE HEAD ng Philhealth Cauayan, sinabi niya na walang ibang layunin ang kanilang tanggapan ng Philhealth at DOH kundi ang mabigyan ng mas dekalidad at abot kayang serbisyong pangkalusugan ang bawat mamamayang pilipino.
Aniya sa kasalukuyan ang kanilang tanggapan ay ipinapatupad na ang Universal Health Care Law, na kung saan ang layunin ng bagong batas na ito ay lahat ng Pilipino ay otomatiko o eligible sa bawat programa ng Philhealth.
Ang bawat isa ay makakatanggap na ng tulong mula sa Philhealth tulong ng Department of Health, miyembro man o hindi,
Ang membership category ay nahahati sa dalawa ito ay ang direct contributors na kung saan sila yung may mga may kakayahan sa pagbabayad o aktibo sa pagbibigay ng kontrbusyon, pangalawa ay ang indirect contributors na kung saan sila ang walang kakayanan na magbayad o magbigay ng kontribusyon tulad nalang ng mga indigent.
Aniya maging ang mga hindi aktibo sa pagbabayad ng kanilang kontrubusyon ay maaari ng makatanggap ng tulong mula sa Philhealth ang kailangan na lamang ay dapat sila ay makapasa sa evaluation ng DSWD kung totoong walang kakayanang magbayad o pangkabuhayan.
Samantala, nagpaalala naman si Ginoong Reyes na dapat sundin din ng bawat pilipino ang nakasaad sa RA11223 o ang UNIVERSAL HEALTH CARE LAW na ang bawat isa ay kailangang rehistrado.