CAUAYAN CITY – Hindi inaasahan ng number 3 sa resulta ng Criminologist Licensure Examination na mapapabilang siya sa top 10.
Ang top 3 na si Jolinalyn Gonzalvo ng Guinatan, City of Ilagan ay may rating na 88.70%.
Siya ay nagtapos ng B.S. Criminology sa St. Ferdinand College at anak ng isang mekaniko at labandera.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Gonzalvo, sinabi niya na matapos maisapubliko ang resulta ng pagsusulit ay hindi pa siya lubos makapaniwala na pumasa siya at hindi niya inaasahan na makakamit ang number 3 ranking.
Aniya, maiksi lamang ang kanyang naging paghahanda sapagkat noong buwan lamang ng Hunyo siya nagtapos ng kolehiyo at agad na sumabak sa review para sa naturang pagsusulit kayat halos tatlong buwan lamang ang kanyang naging paghahanda.
Iniaalay niya ang malaking tagumpay sa kanyang tatay na isang mekaniko at kanyang nanay na isang labandera dahil sa buo ang naging suporta nila sa kanya.