CAUAYAN CITY – Tiwala ang Department of Tourism Region 2 na malaking tulong sa turismo ang paglalahad sa kasaysayan ng Spanish period churches sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Department of Tourism Regional Director Dr. Troy Alexander Miano, isa ring local historian, sinabi niya na sa pamamagitan ang aklat kagaya ng inilunsad ni Dr. Javier Galvan Guijo, Director of Instituto Cervantes Manila sa Cagayan Museum ay magkakaroon ng interes ang mga kabataan na balikan ang kasaysayan.
Aniya ang libro ay isang uri ng pananaliksik na matagal na panahong binuo na tumatalakay sa kasaysayan ng mga lumang mga simbahang katoliko na itinayo noong Spanish Era.
Tinalakay dito ang architectural design ng mga lumang simbahan na halos umabot na sa dalawang daang taon.
Tiwala ang DOT na ang libro ni Dr. Javier ay makakatulong sa mga kabataan ng bagong henerasyon upang mamulat sa kagandahan ng kasaysayan sa likod ng mga malalaking istraktura.
Makakatulong din ito sa mga architect na mapag-aaralan ang integridad ng mga instraktura ng mga lumang gusali.
Ayon kay Dr. Miano ang Northern Luzon ay maihahalintulad sa Bohol kung saan napakaraming lumang bayan na dating nasakop ng mga Dominicano.