CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture o DA Region 2 na sapat ang suplay ng luya sa Rehiyon sa kabila nang pagtaas ng presyo nito sa kalakhang Maynila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 sinabi niya na ang inflow o pumapasok na volume ng luya sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal Inc. O NVAT mula ikasampu hanggang labing apat ng Hunyo ay nasa 630 metric tons habang ang outflow o inilalabas nilang produkto ay 504 metric tons.
Sa ngayon ang presyo ng native na luya ay nasa 55-65 pesos per kilo habang ang luyang Taiwan o ang mga malalaking variety ay nasa 80-90 pesos per kilo.
Batay sa impormasyon nakuha ng Bombo Radyo Cauayan tumataas ang presyo ng luya sa Metro Manila na senyales ng kakulangan ng suplay.
Ayon sa DA Region 2 maaring sa ibang lugar na pinagkukunan ng NCR ay nagkukulang ngunit sa rehiyon ay nananatiling sapat pa naman ang presyo.
Sa buwan ng Setyembre ang inaasahang pag-aani ng mga magsasaka ng kanilang pananim na luya kaya walang nakikitang rason ang DA na magkukulang ng suplay.
May mga magsasaka ring nagtatanim tuwing off season kaya maliit ang tiyansa na magkulang ng suplay bagamat may pagbaba sa produksyon habang hindi pa harvest season.