--Ads--

Aapela sa kongreso ang Grupo ng mga Healthcare workers sa bansa matapos ang inilabas ng wage board na karagdagang 35 pesos na dagdag sa sahod ng mga minimum wage earners sa National Capital Region.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan “Jao” Clumia, Convenor ng Private Healthcare Worker’s Network, sinabi niya na sampal para sa mga manggawa ang 645 pesos na sahod gayong 750 pesos ang inilalabi nilang minimum wage sa NCR.

Aniya, “pa-pogi points” lamang ang dagdag sahod na 35 pesos at tila minadali lamang ito ng pamahalaan para maisama sa State of the Nation Adress ng Pangulo.

Hinamon naman niya ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board na subukan nilang mamuhay sa 645 pesos na sahod para makita nila na hindi ito sapat para maitaguyod ang isang pamilya.

--Ads--

Kalokohan din umano ang pahayag ng ilang mga kapitalista o employer na hindi nila kayang tustusan ang taas sahod sa mga manggagawa kaya huwag aniya nilang gawing panakot ang pagbabawas ng empleyado kapag nagtaas ang sweldo.

Humihingi naman sila ng suporta sa Kongreso sa ilalabi nilang 750 pesos minumum wage na hindi lamang epektibo sa NCR kundi sa lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Dapat naman aniyang suportahan ng taumbayan ang kanilang apela dahil makatutulong ito sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino na nakadepende sa barya na ibinibigay ng Gobyerno kapalit ng kanilang serbisyo.