CAUAYAN CITY – Lumabas na ang warrant of arrest ng akusado sa hit and run sa Brgy. San Juan, Echague Isabela noong Pebrero kung saan nasawi ang isang walong taong gulang na batang lalaki habang nasugatan ang tatlong iba pa.
Matatandaang minaneho noon ni Richard Estoce, tatlumpu’t isang taong gulang, residente ng Pangal Norte, Echague, Isabela ang isang motorsiklo at angkas nito sina Daisy Batag, tatlumpong taong gulang; Xiaxie Estoce, tatlong taong gulang at Angelo Rian Estoce, walong taong gulang nang mabangga sila ng isang Toyota Corolla na kulay blue na patungo noon sa Ipil, Echague, Isabela.
Gayunman, sa halip na huminto ay tinakbuhan ng tsuper ang mga nakahandusay na biktima.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang mga sakay ng motorsiklo na agad namang dinala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival si Angelo Rian.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, Hepe ng Echague Police Station, sinabi niya na sinampahan nila ang natukoy na tsuper ng kotse na si Francisco Dela Cruz ng kasong Recless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property with abandonment.
Aniya, mukhang walang planong mag-surrender ang akusado kaya naman nakikipag-ugnayan sila sa kaniyang pamilya para makumbinse na sumuko.
Ayon naman aniya sa pamilya ng akusado, hindi pa umano nila nakakausap ito simula nang maganap ang insidente.
Nanawagan naman siya kay Francisco Dela Cruz na sumuko na at ayusin ang mga kasong kinakaharap nito gayundin sa mga nakakaalam kung nasaan ito na payuhan at kumbinsehin siya sa kaniyang pagsuko para magbigay ng hustisiya sa mga biktima.