--Ads--

CAUAYAN CITY-

Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang isang Hog Raiser mula sa Sindon Bayabo, Ilagan City, Isabela matapos nakawin ang dalawa sa kaniyang alagang baboy na nakatakta na sanang ibenta.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lita Esteban, may-ari ng mga nawalang baboy, sinabi niya kahapon ng umaga ay nagtungo ang kaniyang asawa sa bukid at sasadyain na din sana niyang tingnan ang kanilang baboy na naroon ngunit wala na ang dalawa sa mga ito.  

Hinanap pa aniya ng kaniyang mister ang mga nawawalang baboy sa maisan malapit sa kanilang piggery sa pagbabasakaling nakawala lamang ngunit wala itong nahanap.

--Ads--

Mayroon naman aniyang mga bakas sa piggery na sapilitang kinuha ang mga alagang baboy dahil nasira pa ang pintuan ng kulungan.  

May kalayuan aniya ang piggery sa kanilang bahay ngunit ngayon lang aniya sila nanakawan.

Aniya, wala silang ideya kung sino ang kumuha sa kanilang mga baboy ngunit naniniwala sila na isinakay ang mga ito sa kolong-kolong base na din sa naulinigan ng kanilang mga kapitbahay ng gabing iyon.

Naisangguni naman na nila ito sa tanggapan ng Barangay at titingnan aniya nila ang CCTV sa Barangay para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Tinatayang nasa humigit kumulang apatnapung libong piso ang halaga ng maaring pagbentahan ng mga nawawalang baboy.

Nanawagan naman siya sa nagnakaw ng kanilang alaga na makonsensiya dahil hindi umano biro ang mag-alaga ng baboy.