--Ads--

Inihayag ng biktima ng pagnanakaw sa P-1 Brgy. Bugallon Proper, Ramon, Isabela na malaking tulong ang mga kuha ng kanilang CCTV upang matukoy ang dalawang suspek sa pagnanakaw sa kanilang tindahan.

Matatandaan nahuli na ng Pulisya ang mga itinuturing na suspek sa serye ng holdapan sa ilang bayan sa Isabela matapos ang operasyon sa Barangay Apanay Alicia, Isabela.

Maagap na nag ulat ang isa sa mga biktima sa Ramon Isabela kaya agad na naglabas ng flash alarm ang pulisya dahil natukoy ang deskripsyon ng mga suspek maging ng sasakyan na kanilang ginamit sa pamamagitan ng mga kopya ng CCTV.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong June, di niya na tunay na pangalan at isa sa mga biktima ng pagnanakaw sa Ramon Isabela sinabi niya na malaki ang naitulong ng kanilang CCTV upang makita ang mga suspek at kung paano nabuksan ang kanilang gate sa pamamagitan ng bolt cutter at pagbaklas sa doorknob ng pintuan ng tindahan.

--Ads--

Kabilang sa mga nakuha ng mga suspek ang pera na nagkakahalaga sa P30,000; tseke na nagkakahalaga sa P11,000 at isang 1.5 liters na softdrink.

Inabot ng sampung minuto ang pagnanakaw ng mga suspek na naging maingat at tahimik dahil sa hindi man lamang umano tumahol ang aso ng may-ari ng tindahan.

Ayon kay Alyas June, noong Mayo ay nauna na silang mabiktima ng pagnanakaw sa kanilang tindahan kaya nag-install na sila ng mas malinaw na CCTV at malalaking kandado.

Aniya apat na ang naging biktima ng ganitong klase ng pagnanakaw sa Ramon Isabela kaya laking pasasalamat nila at nahuli na ang mga suspek.

Nagpasalamat din siya sa mga pulis dahil sa mabilis na aksyon upang maresolba ang mga naitalang nakawan sa kanilang bayan.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Ramon Police Station ang dalawang nahuling suspek habang nasa kustodiya naman ng Alicia Police Station ang ginamit na getaway vehicle.