CAUAYAN CITY – Inireklamo ng mga residente ang isang construction site na pinagmumulan ng makapal na alikabok at usok sa Minante Uno, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Aurelio Tulali, isa sa mga residenteng nagrereklamo sinabi niya na mahigit isang taon nang nakatambak ang mga buhangin ngunit ngayong linggo lamang nang sila ay maapektuhan ng makapal na alikabok at usok na dulot nito.
Aniya tuwing naghahalo ng semento at buhangin ang mga trabahador ng nasabing construction site ay napupunta sa kanilang kabahayan ang alikabok.
Lumala pa ang sitwasyon dahil nagsusunog na rin ang mga ito ng mga sako ng semento na nagdudulot ng makapal at maitim na usok na napupunta sa kanilang mga bahay.
Nagkakasakit na aniya ang ilang mga residente kaya idinulog na nila ito sa barangay.
Iginiit niya na may bakanteng lote naman sa tabi ng site na pwedeng paghaluan ng semento para hindi makaapekto sa mga residente.
Samantala ayon naman kay Punong Barangay Sherwin Cortez ng Brgy. Minante Uno, sinabi niya na nagkaroon na sila ng pag-uusap sa contractor patungkol dito.
Aniya ang mga nakatambak na buhangin ay gagamitin sa farm to market road medyo mahaba-haba kaya katapusan pa ng Agosto matatapos.
Sinabihan naman nila ang mga trabahador na manu-mano na lamang ang paglalagay ng semento upang hindi makaapekto ang alikabok sa mga residente.
Humingi naman siya ng paumanhin sa idinudulot ng construction site at tiniyak na pinag-aaralan na ang maaring solusyon para maipagpatuloy ang operasyon na hindi makaapekto sa mga residente.
Isa sa mga pinag-aaralang gawin ay ang paglalagay ng mas mataas na harang tulad ng tolda upang hindi kumalat ang alikabok.