--Ads--

Pinalagan ng Economic think tank na IBON Foundation ang pahayag ng National Economic and Development Authority o NEDA na hindi na umano matatawag na mahirap ang isang indibidwal kung kaya niyang gumastos ng P21 pataas sa bawat agahan, tanghalian, at hapunan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBON Foundation Executive Director Jose Enrique “Sonny” Africa, sinabi niya na napaka-unrealistic ng datos ng NEDA dahil napakababa ng kanilang poverty treshold o pamantayan.

Sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na ang threshold ay P64 kada araw para sa tatlong pagkain, o humigit-kumulang P21.3 kada pagkain kada tao. Tumaas ang halaga mula noong 2021 na dating nasa P55 kada araw.

Ayon kay Africa, hindi ito makatotohanan dahil hindi ito sasapat sa mga pangunahing pangangailangan at gastusin ng isang tao tulad ng pagkain at pabahay. Dapat aniyang gawing mas makatotohanan at i-adjust ang pagsukat ng poverty level.

--Ads--

Aniya kung mga statisticians ang tatanungin, sasabihin din nilang may dapat talagang iwasto sa estimation at political choice ang pinapairal ng pamahalaan kung saan pinapababa ang pamantayan upang mabawasan ang din ang ulat nila sa bilang ng mahirap na Pilipino.

Mabuti na lamang aniya at may iba pang nagsasagawa ng survey tulad ng Social Weather Stations na nagbibigay ng mas kapani-paniwalang bilang ng mahirap na mamamayan.

Batay sa ulat ng SWS anim sa sampung Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap kumpara sa pahayag ng PSA na isa lamang sa sampung Pilipino ang mahirap.

Aniya ang mababang poverty threshold ng pamahalaan ay pagpapakita lamang ng kawalan ng interes o ambisyon na iwaksi ang kahirapan sa Pilipinas.