CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit P84 milyon ang inisyal na halaga ng pinsalang naitala sa agrikultura sa Region 2 sa pananalasa ng bagyong Enteng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2 sinabi niya na batay sa kanilang monitoring mula martes hanggang kahapon, umaabot na sa P84,732,716 ang estimated value of losses sa infrastructure, agricultural crops at fisheries sa pananalasa ng bagyong Enteng.
Pinakamalaking bahagi sa naitalang pinsala ang pananim na palay na umabot sa P69,473,668 at pinakamalaki rito ay mula sa lalawigan ng Isabela na nagkakahalaga ng P47,504,671 sa 2,814 na ektarya ng sakahan sa lalawigan.
Ayon kay Regional Executive Director Aquino, partially damaged lamang ito at ang 1,478 na ektarya ay nasa maturity stage at 1,336 na ektarya ay nasa reproductive stage.
Sumunod naman ang Cagayan na may estimated value of losses na P12,685,575 mula sa partially damaged areas na 547 na ektarya ng sakahan.
491 na ektarya ang nasa reproductive stage habang nasa 55.80 ektarya naman ang nasa maturity stage.
Ang lalawigan naman ng Quirino ay may P9,283,412 estimated value of losses mula sa 1,231 ektarya ng partially damaged areas.
Sa nasabing datos, nasa 805 ektarya ang nasa reproductive stage at 321 ektraya na nasa maturity stage at 105 na nasa vegetative stage.
Samantala sa pinsala naman sa tanim na mais ay dalawang lalawigan lamang ang nagpadala ng partial report na kabuuang P8,738, 519 na estimated value of losses.
Sa nasabing halaga, pinakamalaki ang mula sa lalawigan ng Isabela na nasa P6,284,309 na mga pananim na nasa reproductive at maturity stage mula sa 899 ektarya ng sakahan.
Ang lalawigan ng Quirino ay nakapagtala ng partially damaged na 802 ektarya na nagkakahalaga ng P2,454,210.
Nakapagtala rin ang DA ng damaged sa high value crops na nasa P5,411,287 na karamihan ay mga lowland vegetable at prutas mula sa Isabela at Quirino.
Nakatanggap din ang kagawaran ng report mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ng partial validated damage sa fisheries sa Isabela na nagkakahalaga ng P232,250.
Sa National Irrigation Administration o NIA ay nasa P877,000 ang partially damaged sa imprastraktura pangunahin sa mga irigasyon.
Inaasahan namang madadagdagan pa ang halaga ng pinsala dahil may mga updating pa sa mga lalawigan sa kanilang datos dahil sa kasalukuyang proseso ng validation.