Nakakaramdam na ng takot ang ilang Oveseas Filipino Workers sa Israel dahil sa lumalalang giyera sa naturang bansa.
Ito ay matapos paulanan ng Iran ang Isreal ng nasa 180 missiles nitong Martes.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Liezel Miras na di hamak na mas malaki ang mga missiles na pinapaulan ngayon sa Israel kung ikukumpara sa nakalipas.
Kung dati aniya ay balewala lang sa kanila ang pagpapadala ng missle ng ibang bansa, ngayon ay kinakailangan na nilang tumakbo sa mga bomb shelter para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Nakatatanggap naman ng warning sa mga mobile phones ang mga residente roon kaya naman may panahon pa sila na pumunta sa ligtas na lugar bago pa man bumagsak ang mga missile.
Simula kahapon ay ipinagbawal na umano ang pagpunta sa Tel Aviv, Jerusalem at sa hilagang bahagi ng Israel.
Nananatili namang naka high alert ang Israel dahil inaasahan nila aabot pa umano sa apat na raan ang papaliparing missile sa naturang bansa.
Kanselado na rin ang karamihan sa mga flights papasok at palabas ng naturang bansa kaya naman pinag-iingat nila ang publiko.