--Ads--

CAUAYAN CITY- Patay ang bouncer ng isang KTV Bar matapos mauwi sa pananaksak ang kanilang alitan na isa ring bouncer sa kalapit na bar sa Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Executive Master Sgt. Bobby Taccad ang Investigator on case ng City of ilagan Police Station,  sinabi niya na agad na binawian ng buhay ang biktimang si Pedro Ciricos o mas kilala sa tawag na “Tata”, 40-anyos, isang bouncer sa Night shadow KTV bar nang dalhin siya sa Isabela Doctors General Hospital o IDGH.

Habang ang suspek ay si Arthur Romulo, bouncer naman ng Carmelo KTV Bar.

Batay sa pagsisiyasat, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi nitong Linggo, Oktubre 13, bago ang pananaksak ay nagkaalitan ang dalawa dahil sa agawan umano ng customer.

--Ads--

Una rito isang customer ang nagtungo sa Carmelo KTV bar kung saan nagtatrabaho ang suspek.

Habang naroon ang customer ay pinuntahan umano ito ng biktima at niyaya na lumipat ng bar.

Dahil dito, sumunod ang suspek at kinompronta ang biktima kung bakit nito inagaw  ang kanilang customer na nauwi sa pananksak.

Dinala ng mga rumespondeng rescuers ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay habang tumakas naman ang suspek ngunit kalaunan ay naaresto rin ng mga otoridad.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Ilagan si Art at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Plano naman ng Pulisya na suriin ang permit ng mga nag ooperate na KTV bars maging mga Guest Relation Officer o GRO sa Lunsod ng Ilagan para matiyak ang kaligtasan ng mga customer na nagtutungo dito.