--Ads--

CAUAYAN CITY- Arestado ang magkapitbahay matapos masamsaman ng ilegal na droga sa ikinasang anti-illegal drug buybust operation ng mga otoridad sa CMP Padilla Tagaran, Cauayan City.

Ang pinaghihinalaan ay si Alyas Tonton, 30-anyos, lalaki, farm care taker, kasama nito ang kanyang kapitbahay na isang menor de edad, kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa PNP Cauayan, napag-alaman na ang suspek na si Tonton ay isang High Value Individual.

Naging matagumpay ang pagkakadakip ng dalawang suspek sa buong pwersang pagtutulungan ng PNPDEG SOU2, CDEI, PDEA Quirino, PIU, at Cauayan City Police Station.

--Ads--

Nakita mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang (1) piraso ng maliit na bote na naglalaman ng hinihinalang marijuana oil na siyang planong ibenta; dalawang (2) piraso ng medium sachet na nahlalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana; at tatlo (3) na maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Bukod sa mga nakitang ilegal na droga, nakumpiska rin ang mga kagamitan ng mga suspek partikular ang dalawang android cellphone, sigarilyo, ID, buybust money na nagkakahalaga ng 4,000 pesos, at isang kulong-kulong.

Ang nakumpiskang marijuana oil ay tinatayang may sukat na 20ml na may SDP na 24,000 pesos; ang marijuana leaves ay may timbang na 35 grams at may SDP na 4,200 pesos, at ang shabu naman ay may timbang na 1 gram at may SDP na 6,800 pesos.

Sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas Tonton, aminado siya na matagal na siyang gumagamit ng ilegal na droga partikular ang marijuana na araw araw niya umanong ginagamit pampatulog.

Saad pa niya na dati na siyang drug surenderee at muling nahikayat sa paggamit ng ilegal na droga.

Samantala, itinanggi naman niya na siya ay nagbebenta ng droga dahil ang mga nabibili lang umano niya ay para sa personal na gamit lamang.

Sa ngayon, si alyas Tonton ay nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station para sa dokyumentasyon at tamang disposisyon, habang ang menor de edad na kasama niya ay ipinasakamay d sa bahay pag-asa.