Inihayag ng Cauayan City Police Station na maaaring diversionary tactics lamang ng ilang mga smuggler ang pagsasabi na sa Cauayan City ibabagsak ang mga nasasabat na smuggled na sigarilyo sa Rehiyong Dos kamakailan.
Ito ay kaugnay ng pagkakasabat ng ₱6.42 milyong halaga ng smuggled cigarette sa Barangay Tactac, Sta. Fe, Nueva Vizcaya nitong Enero 18 kung saan ayon sa mga nahuli, ang mga kargamento ay nakatakda sanang ibagsak sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran, Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na maaaring taktika lamang ng mga smuggler ang pagtuturo ng isang lugar na pinagbabagsakan ng smuggled products upang hindi maantala ang kanilang operasyon.
Aniya, malawak ang nasasakupan ng Cauayan City at maaaring idinahilan na lamang ng mga nahuli kamakailan ang pagbabagsak ng kargamento sa Lungsod ng Cauayan upang matuon ang pansin ng mga awtoridad sa Lungsod at hindi makompromiso ang kanilang operasyon sa ibang lugar.
Gayunpaman, tiniyak naman ni PLt. Col. Canceran na mahigpit ang ginagawa nilang pagmonitor at pakikipag-ugnayan sa ibang himpilan ng Pulisya, at sa Bureau of Internal Revenue upang agad na ma-intercept ang mga magtatangkang magpasok ng smuggled products sa lalawigan.









