--Ads--

CAUAYAN CITY- Magkakasa ng malalimang imbestigasyon ang City of Ilagan Police Station kaugnay sa isang estudyanteng nag dala ng baril sa loob ng isang Pampublikong Paaralan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol.Jeffrey Raposas ang hepe ng Ilagan City Police Station sinabi niya na nakikipag ugnayan na sila ngayon sa pamunuan ng Isabela National High School kaugnay sa video ng isang estudyanteng nag-iingat ng baril sa loob ng Eskwelahan.

Aniya dahil walang pasok nitong mga nakaraang Linggo dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine ay minabuti narin nilang makipag ugnayan sa Barangay Officials at City Social Welfare and Development o CSWD na naging daan para matukoy ang pagkakakilanlan ng naturang estudyante sa kontrobersyal na video.

Sa kasalukuyan ay nasa pangangala nila ang Estudyante at sumasailalim sa interview para malaman kung saan niya nakuha ang baril at kung paano niya ito naipasok sa loob ng Eskwelahan.

--Ads--

Batay sa kumakalat na video makikita ang isang Estudyanteng lalake na may binunot na Caliber 38 revolver mula sa kaniyang tagiliran bago inilabas ang isang bala saka ini-load sa baril.

Sa hiwalay na video ay makikitang masayang nag kakantahan ang mga Estudyante at habang kumukumpas ng gitara ang isa ay kapansin pansin ang isa pang estudyante na pinaglalaruan at kinakalabit ang gatilyo ng baril.

Ayon sa mga kasamahan ng estudyante naganap ang insidente nito lamang ikalawang Linggo ng Oktubre.

Samanatala, batay sa ginagawang background investigation wala namang kinasangkutang krimen o hindi kanais nais na pangyayari ang naturang estudyante, sa kabila nito ay isasailalim ng PNP Ilagan sa ballistic examination ang baril upang matukoy kung nagamit ba ito sa anumang krimen.

Paalala naman niya sa mga magulang na bantayan ng maiigi ang anak at tiyaking alam nila ang ginagawa o mga aktibidad nila maging kung sino sino ang mga nakakasama nila lalo na sa panahon ngayon na laganap ang paggamit ng social media.