--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa 96 na pamilya o kabuuang 338 na indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers sa bahagi ng Batanes dahil sa pananalasa ng bagyong Leon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction and Management o PDRRM Officer ng Batanes, sinabi niya na maagang pinalikas ang nasabing indibidwal dahil sa malakas na hangin at ulang dala ng bagyo.

Aniya bagamat hindi pa nakakabangon ang lalawigan sa pagtama ng bagyong Julian ay lumikas na naman ang mga residente dahil sa takot sa epekto ng bagyo.

Isinailalim sa signal no. 5 ang Itbayat at Basco, Batanes sa paglapit ng bagyong Leon sa nasabing lalawigan at naranasan ang malakas na hangin na sinabayan ng pag-ulan.

--Ads--

Pahirapan aniya ang paglabas ng kanilang personnel para magrescue dahil sa masungit na lagay ng panahon.

Wala na ring signal sa cellphone kaya ang ginagamit na lamang nila ay internet o wifi connection para makakontak sa mga nasa mainland Luzon.

Karamihan sa mga lumikas ay mga residenteng hindi pa ligtas na tirhan ang mga bahay matapos masira sa pananalasa ng bagyong Julian habang ang iba ay mula sa flood prone areas.

Ayon kay PDRRM Officer Esdicul, sa ngayon ay sapat pa naman ang suplay ng pagkain para sa mga evacuees ngunit kung magtatagal ng ilang araw ay maaring kulangin na ang suplay ng pagkain dahil sa ilang araw nang walang nakapagdeliver ng suplay sa kanilang lalawigan sapagkat masungit ang lagay ng karagatan.