--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpatupad na ng preemtive at force evacuation ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils sa CALABARZON kasabay ng inaasahang epekto ng Super Typhoon Pepito sa nasabing rehiyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Reyan Derrick Marquez, Public Information Officer ng OCD Calabarzon, sinabi niya na abala na sila sa pagsasagawa ng pre-emptive at mandatory evacuation sa mga nakatira sa baybayin dahil sa banta ng storm surge.

Sa katunayan anya ay nasa 2,167 pamilya o katumbas ng 8,290 na indibiduwal na ang mga nasa evacuation centers.

Marami sa mga nasabing evacuees ay lumikas na simula pa noong Bagyong Kristine dahil sa pagkasira ng kanilang mga tahanan at patuloy na pagbaha  kung kayat silay nananatili pa rin sa mga evacuation centers.

--Ads--

Ayon kay Marquez, posible pang madagdagan ang nasabing bilang lalo na at kasalukuyan pa ang kanilang paglilikas.

Kaugnay nito ay tiniyak naman anya ng DSWD CALABARZON na sapat pa rin ang mga food packs na ibibigay sa mga maaapektohang mga pamilya.

Maliban sa mga posibleng maapektohan ng storm surge ay nagsasagawa na rin sila ng paglikas sa mga flood prone areas at maging sa mga landslide prone areas lalo na sa Bayan ng Aguncillo sa Batangas kung saan naitala noong Bagyong Kristine ang mga pagguho ng lupa na nagdulot ng mga pagkakasawi ng dosedosenang indibidual.